Hindi dapat agad-agad na mag-panic kaugnay sa nakapasok na Lambda variant sa bansa.

Ito ang inihayag ni professor Guido David ng OCTA Research matapos mapaulat ang pagpasok sa bansa ng Lambda COVID variant na nananalasa na sa ibang mga bansa.

Ayon kay David,wala pang matibay na datos na nagsasabing mas mabagsik ang bagong variant kumpara sa Delta COVID variant na umaatake ngayon sa bansa.

“Wala pa namang datos na nagsasabing mas mabagsik ang Lambda kaysa sa Delta variant. Ang pinaka-thread pa rin natin ngayon Delta variant,” ani David.

Kinalma ng OCTA Research fellow ang publiko dahil batay sa ulat, gumaling naman agad ang taong kinakitaan ng lambda variant.

Wala aniyang ipinag-iba ito sa Brazil variant na kinatakutan rin noon at sinasabing mas mabagsik kumpara sa ibang variant pero naagapan agad at hindi nakapaminsala ng mga tao.

“Hindi pa naman nating kailangang matakot talaga kasi ganon din naman earlier this year yung Brazil variant, mas mabagsik pa daw kumpara sa alpha at beta variant. Nakapasok siya dito pero hindi naman masyadong kumalat, gayondin din ang ating sariling P3 hindi rin masyadong kumalat . Yung Delta lang talaga ang tinututukan natin ngayon,” dagdag ni Professor David.

The post Huwag mag-panic sa Lambda variant – OCTA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/huwag-mag-panic-sa-lambda-variant-octa/)