Dapat maglaan ang gobyerno na malaking alokasyon sa mga programang tutugon sa kasalukuyang krisis pangkalusugan at magbibigay ng oportunidad para magkaroon ng kita o trabaho sa ilalim ng panukalang P5.024 trillion national budget para sa susunod na taon.

“Ang taong 2022 ay COVID-19-year pa rin. Dapat tutukan pa rin natin ang paglaban sa COVID-19 kaya ibig sabihin kailangan ng sapat na pondong pambili ng vaccines, hospital support, medical frontliners’ support at suporta sa mga gamot na panlaban sa COVID-19,” ayon kay Senador Win Gatchalian.

Para makabangon ang ekonomiya ng bansa, sinabi ni Gatchalian na na kailangang buhusan ng pondo ang mga programang makakapaglikha ng trabaho kasama na ang mga short-term job programs na popondohan ng gobyerno lalo na sa mga apektado ng pandemya.

“Nakikita natin na magiging matumal pa rin ang negosyo sa susunod na taon at kailangang tulungan natin na makabangon sila lalo na ‘yung maliliit na negosyo. Survival mode sila so as much as possible kailangan nilang maitawid ang 2022 para sa 2023 ay mas maayos at maginhawa na ang sitwasyon nila,” sabi nito

“Dapat merong suporta ang gobyerno para sa maliliit na negosyo. Halimbawa, standby capital na hindi utang. Kapital ang ibibigay natin. Kung ikaw halimbawa ay isang established na negosyo at naapektuhan ka ng COVID-19, dapat ay mabigyan ka ng standby capital para meron nang puhunan para sa 2023 at mabilis nang makakabangon,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Gatchalian, Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee na hindi makakaapekto sa deliberasyon ng Kongreso sa 2022 national budget ang pagbibitiw ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado.

“Mayroon naman silang mekanismo para siguruhin na maisusumite ang national budget sa takdang oras,” sabi ni Gatchalian.

Matapos maisapinal ang 2022 National Expenditure Program (NEP), inanunsyo ng Malakanyang na isusumite ito sa Kongreso sa darating na Lunes, Agosto 23, 2021.

The post Kalusugan, trabaho, paglaanan ng malaking pondo sa 2022 – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kalusugan-trabaho-paglaanan-ng-malaking-pondo-sa-2022-gatchalian/)