Maaanghang na salita ang binitawan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. laban sa Makabayan bloc ng Kongreso kaugnay ng patuloy nitong pagkontra sa Barangay Development Program (BDP) ng pamahalaan.

Sa Cabinet Report program na inorganisa ni Communications Secretary Martin Andanar noong Agosto 20, inilarawan ni Esperon na imbis na ‘progressive,’ ‘regressive’ ang Makabayan bloc dahil sa pagtutol nito sa BDP.

“Iyan ang BDP na tinututulan ng sinasabi nilang progressive bloc sa Congress. Paano sila naging progressive eh tinututulan nila ang development. Ang tawag sa kanila dapat ay regressive,” wika ni Esperon, na tumatayong vice-chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ang NTF-ELCAC din ang siyang nangangasiwa ng BDP, na nagbibigay ng pondo sa mga liblib na barangay sa bansa na nakawala na umano sa impluwensya at presensya ng New People’s Army (NPA).

Kaya naman, sinabi rin ni Esperon na hindi dapat Makabayan Bloc ang tawag sa grupo dahil tila sinusuportahan pa nila ang gawain ng rebeldeng grupo.

“Hindi rin sila Makabayan Bloc kung hindi Kamatayan Bloc, dahil sa kanila ang daming namamatay,” dagdag pa ni Esperon.

Sa kasalukuyan, nasa 822 barangay na sa bansa ang nakinabang sa BDP kung saan bawat isa ay tumanggap ng P20 milyon na pondo.

The post ‘Kamatayan bloc’ dapat! Esperon binanatan Makabayan bloc first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kamatayan-bloc-dapat-esperon-binanatan-makabayan-bloc/)