Sumandal ang Chery Tiggo Crossovers sa kagila-gilalas na laro ni Jaja Santiago upang daigin ang Creamline Cool Smashers sa limang sets at iuwi ang kampeonato ng PVL Open Conference nitong Biyernes.

Hindi sumuko ang Chery Tiggo kahit pa natalo sila sa unang dalawang set upang maitakas ang 23-25, 20-25, 25-21, 25-23, 15-8 na panalo.

Bumira si Santiago ng 22 attack points at apat na puntos pa mula sa blocks upang pangunahan ang Chery Tiggo. Siya rin ang itinanghal na Conference at Finals MVP.

Nag-ambag pa ang setter na si Jasmine Nabor ng 34 excellent sets at 26 digs at 20 excellent receptions ang idinagdag ng libero na si Buding Duremdes.

Si Tots Carlos ang nanguna para sa Creamline sa kanyang 22 points habang 17 points naman ang binira ni Alyssa Valdez.

The post Kampeon! Chery Tiggo nilusaw Creamline first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kampeon-chery-tiggo-nilusaw-creamline/)