“Imagine a country without state auditors. Kanya kanyang kupit, kanya kanyang kurakot.”

Ito ang inihayag ni Senador at presidential aspirant Panfilo “Ping” Lacson Sr. sa gitna ng isyung ‘pangbubunyag’ ng Commission on Audit (COA) sa mga ahensya ng gobyerno na kwestiyonable ang paggastos ng pondo.

Nito lamang linggo ng silipin ng ahensya ang kakulangan ng Department of Health (DOH) sa paggamit ng P67.32 bilyong pondo na inilaan para labanan ang COVID-19 pandemic.

Nilinaw naman nila na walang bahid ng korapsyon ng DOH ang naturang P67.32 deficiency.

“Accompanying the observations and findings are the recommendations made by the auditors for the management of DOH to address the observation and findings… which allows the audited agency to…rectify any deficiencies,” paliwanag ng COA.

“The Report itself does not mention any findings by the auditors of funds lost to corruption,” dagdag pa nila.

Dahil dito, naghimutok sa sama ng loob si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa kahihiyang idinulot nito sa kanya at sa kanyang departmento.

“Mula noong lumabas ito hindi na ako nakakatulog, bakit kanyo, dahil sa kahihiyan. Kung ganito nang ganito tayo, papaano tayo uunlad na ang mga civil servant natin na maganda ang ginagawa. Alam namin sinasabi ninyo eh. I think COA should also consider,” ani Duque.

Aniya, ilang araw na rin siyang walang tulog dahil sa naturang isyu.

“We are operating under a public health emergency. Winarat na n’yo kami eh. Winarat na ninyo. Andami-daming sinasabi. Wala pa rin akong tulog, ilang gabi na ito. It is really unfair and unjust… Masakit po sa amin ito. Sabi ko nga nagkasakit na ang mga tao ko… por Diyos por Santo, maawa naman kayo… kayo nga ang pumunta dito at kayo ang gumawa.”

Bukod pa rito, ‘binisto’ rin ng COA ang Land Transportation Office (LTO) sa backlog nitong 8.1 milyon plaka ng motorsiklo na hindi pa nakukuha ng kanilang may-ari mula noong nakaraang taon.

Maging ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay hindi rin pinalamps ng ahensya.

Nasilip din kasi ang kanilang 2020 annual audit report kung saan nakasaad na mga mamahaling napkin ang binili nila na kabilang sa hygiene kits na ipinamigay nila ngayon pandemya.

Ayon kasi sa ulat, P35 kada piraso ang biniling napkin ng OWWA.

“The procured sanitary napkins per pad is very costly, the napkins can be bought in small sari-sari stores at P5 to P8 per pad only,” anang COA.

The post Lacson kung walang state auditors sa bansa: Kanya-kanyang kupit, kurakot first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lacson-kung-walang-state-auditors-sa-bansa-kanya-kanyang-kupit-kurakot/)