Para maiwasan ang pag-urong ng kaalaman ng mga kabataan dahil sa mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na nagsusulong sa isang remedial program sa buong bansa, kung saan ang mga mag-aaral ay makakatanggap ng mga libreng tutorial sessions.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, ang naturang programa ay kikilalanin bilang ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.

Kabilang sa magiging benepisyaryo ng ARAL Program ay ang mga hindi nag-enroll noong School Year 2020-202 at iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science.

Saklaw ng ARAL Program ang tinaguriang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.

Upang linangin ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral, bibigyang prayoridad ng programa ang Reading o pagbasa na kabilang sa mga most essential learning competencies sa Language.

Layunin din ng panukala na linangin ang mga foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang i-angat ang kanilang literacy at numeracy competencies.

Sabi ni Gatchalian, isasagawa ang mga tutorial sessions sa pamamagitan ng face-to-face, online, o blended learning. Maaaring isagawa ang mga sessions na ito tuwing weekends ng school year o tuwing semestral breaks.

Magsisilbing mga tutor para sa ARAL Program ang mga guro at para-teachers na bibigyan ng karampatang sahod para sa kanilang mga serbisyo. Ang mga kwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo ay maaaring mag-volunteer bilang mga tutor na dapat makapasa sa isang mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd).

Ang kanilang mga serbisyo para sa dalawang semestre ay ituturing na pagkumpleto ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP).

Magiging mandato naman sa mga Public Telecommunication Entities (PTEs) ang pagbibigay sa mga mag-aaral at mga tutor ng libreng access sa online educational platforms ng DepEd, kabilang ang mga digital libraries at iba pang online knowledge hubs.

The post Libreng tutorial para sa learning recovery isulong – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/libreng-tutorial-para-sa-learning-recovery-isulong-gatchalian/)