Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa pamahalaan na mag-imbentaryo ng kasanayan ng libu-libong mga overseas Filipino workers na pinauuwi bunsod ng pandemya, at ipagtugma ang mga ito sa kasalukuyang demand sa labor market.

Ayon kay Villanueva, mahalaga para sa gobyerno ang magpatupad ng mga interventions sa abot ng kakayahan nito para siguruhing makakabalik sa labor market ang mga OFW na bahagi ng pinakamalawak na repatriation ng ating mga kababayan mula noong Gulf War noong 1990s.

“Totoo pong malawakang repatriation po ang nangyayari ngayon bunsod ng pandemya. Ang mas mahalagang usapin ngayon ay kung anong interventions ang gagawin ng ating gobyerno,” sabi ni Villanueva sa panayam sa radyo.

Suhestiyon ng senador, lalo na sa DOLE at OWWA, magsagawa ng account ng lahat ng pianpauwing OFW at magbuo ng imbetaryo ng skills at kasanayan ng mga ito.

“Hindi po natin nais na maging bahagi ang ating OFWs ng unemployment statistics. I-match po natin yung available talent sa available jobs. Tungkulin po ng gobyerno na mag-facilitate sa pagitan ng mga workers at employers,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Hindi na po sapat ang inaabot na P20,000 sa mga kababayan nating OFW,” dagdag pa nito, patungkol sa cash program ng gobyerno para sa mga OFW.

Paliwanag ni Villanueva, ang malawakang pagpapauwi ng mga overseas Filipinos ay nagpapatingkad sa kahalagahan ng isang probisyon sa panukalang pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo.

Isa sa mga probisyon sa ilalim ng panukala ay ang pagbalangkas ng isang full-cycle at komprehensibong reintegration program para sa mga OFWs na uuwi at muling magtatrabaho sa ating bansa.

“Sa mga naging pagdinig natin sa panukalang pagtatatag ng DMWOF, isa po sa weak link o Achilles’ heel ng ating migration policy ay ang reintegration. Kaya po isinusulong at inaaksyonan natin ito sa DMWOF, dahil nais nating maayos ang pagbabalik ng manggagawa sa ating domestic labor market,” ani Villanueva.

The post Magsagawa ng skills inventory sa mga pinauwing OFW – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/magsagawa-ng-skills-inventory-sa-mga-pinauwing-ofw-villanueva/)