Dapat patawan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at Department of Health (DOH) ng kaukulang parusa ang sinumang gumawa ng peke o dinoktor na unified vaccination certificates para na rin sa kaligtasan ng lahat, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Hindi maiiwasan na baka may magsamantala kaya dapat ngayon pa lang ay pinag-iisipan na kung ano ang mga maaaring posibleng hakbang kung gagamiting kasangkapan sa mali o iligal na gawain ang unified vaccination certificate,” sabi ni Gatchalian.

“Dapat maglabas na ng stiffer penalties laban sa mga mamemeke ng mga vaccination cards o gagawa ng mga bogus na vaccination cards. Marami tayong OFWs na aalis at babalik sa kanilang trabaho sa abroad.

Duda ng senador, baka merong mga sindikato na mang- abuso o magsamantalang gumawa ng fake vaccination cards for a fee.

“Dapat mahuli sila at parusahan dahil kawawa naman ‘yung OFWs na mabibiktima,” saad pa ng mambabatas.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng posibilidad na maengganyo ang ibang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatakda nang umalis ng bansa  at maloko ng mga indibidwal na gagawa ng pekeng unified vaccination certificates kapalit ng isang halaga.

“Maaaring makompromiso nito ang kaligtasan ng publiko at mapunta lang sa wala ang lahat ng ginagawa ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19,” diin ni Gatchalian.

Kahit na nakasaad na sa ilalim ng Republic Act No. 11525 o ang “COVID-19 Vaccination Program Act of 2021” na isinabatas noong Pebrero 26, ang mga kaukulang parusa sa pagpeke o pag doktor ng mga vaccine card batay sa mga probisyon ng Revised Penal Code, karamihan sa mga local government units (LGUs) ay naglabas rin ng kani-kanilang kautusan sa ipapataw na parusa sa pamamagitan ng sariling ordinansa.

Sa Valenzuela City, isang ordinansa ang ipinasa laban sa iligal na paggamit, hindi awtorisadong pag-print o pagkopya ng Valenzuela City Vaccination (VCVax) passport o vaccination card na ini-issue ng lokal na pamahalaan. Multa na mula P1,000 hanggang P5,000 o depende sa dami ng nagawang paglabag ang ipapataw.

Dagdag pa ang posibleng pagharap sa kasong kriminal ang kakaharapin ng sinumang lumabag sa nasabing kautusan. Mahigpit ding ipinagbabawal sa mga residente ang pagbibigay ng mga maling impormasyon na ilalagay sa VCVax.

The post Mamemeke ng unified vaccination certificates parusahan – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mamemeke-ng-unified-vaccination-certificates-parusahan-gatchalian/)