May suspetsa ang ilang senador na may kumite sa pagbili ng “overpriced” personal protective equipment (PPE) sa gitna ng pandemya noong nagdaang taon.

“May kapabayaan pero halos makukumbinsi na ako na mayroon ding pangungupit na posible talagang nangyari,” ayon kay Senadora Risa Hontiveros sa online interview ng mga reporter.

Posible rin umanong kumontak ang mga kumpanya sa Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) mula Abril hanggang Mayo 2020 ay iniaalok ang PPEs na ang halaga ang doble sa maximum na presyo na ipinataw ng gobyerno noong panahon na iyon.

Sigurado na talagang may nakinabang dito. Sobrang obvious, di katanggap-tanggap,” sabi naman ni Senadora Imee Marcos.

Ayon kay Hontiveros, nagbigay ang DBM-PS ng 11 kontrata ng PPE sets noong nagdaang taon na karamihan ay napunta sa mga dayuhang kumpanya.

“Noong dalawang buwang iyon ang mismong price freeze na inoobserbahan ng DOH (Department of Health), na ipinataw ng DTI (Department of Trade and Industry) ay mga P900 plus lamang per PPE set,” sabi ni Hontiveros.

“Pero ang average na contract price na in-award sa 11 ito at pinakamalaking contract price na iyon ay sa Pharmally [Pharmaceutical Corp.] ay ang average ay halos doble mga P1,800 plus,” dagdag nito.

Ani Hontiveros, nabigyan ang Pharmally ng P2.8 bilyong kontra para sa pagbili ng set ng  PPE.

Bukod dito, nabigyan din ng DBM-PS ng kontrata ng Pharmally parasa pabili ng face masks, face shild at test kit. Sa kabuuhan, nakakuha ang Pharmally ng P8.6 bilyong kontrata.

The post May nakapagbulsa sa ‘overpriced’ PPEs – Hontiveros, Marcos first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/may-nakapagbulsa-sa-overpriced-ppes-hontiveros-marcos/)