Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang negosyanteng si Michael Yang na iniuugnay sa supplier ng mga biniling kagamitan ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Si Yang, na kilalang negosyante sa Davao City ay naging Presidential Adviser for Economic Affairs ng gobyerno.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng pangulo na si Yang ay lehitimong negosyante taliwas sa pinalutang ng dating pulis na si Eduardo Acierto na isa itong drug lord.

Ayon sa pangulo, si Yang ay sidekick ni dating Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kaya nakikitang kasa-kasama ito pati na sa biyahe noon sa China.

“Michael Yang has been in business here in the Philippines for 20 years. Nag-umpisa yan dito sa Davao. Ang karamihan nito pumasok sa bidding sa lahat ng negosyo dito sa Pilipinas,” anang pangulo.

Kung druglord aniya si Yang ay tiyak na hindi makakalusot kay Ambassador Zhao dahil isa itong dating opisyal ng People’s Liberation Army at tiyak na hindi ito papopormahin ng China.

Sa imbestigasyon ng Senado ay lumitaw ang pangalan ni Yang na konektado sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na nakakuha ng kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng P8.68 billion para sa pandemic response.

Dahil lumutang ang pangalan ni Yang sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ng pangulo na may “Sinophobia” ang chairman nito na si Senador Richard Gordon kung saan pinag-initan nito si Yang.

The post Michael Yang ipinagtanggol ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/michael-yang-ipinagtanggol-ni-duterte/)