Umabot na sa 30 milyon ang mga Pilipinong nabakunahan laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng patuloy na vaccination rollout ng gobyerno para mabigyan ng proteksyon ang sambayanan laban sa bagsik ng COVID-19.

Ayon kay Roque, bagamat naka-30 milyon na sa loob ng limang buwan, marami pang mga dapat bakunahan mula sa target na 70 million.

“Ngayong August 23, 2021, mayroon na tayong 30 million na nabakunahan. Pero malayo pa po ang ating tatahakin. Meron po tayong 70 million na ating mga kababayan na kinakailangang bakunahan,” ani Roque.

May mga nagsasabi aniya na mabagal ang pagbabakuna pero ito ay dahil sa limitadong supply ng bakuna sa buong mundo at mga mayayamang bansa ang namakyaw ng mga bakuna.

Pero hindi aniya pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na maghintay kung kailan may sapat na supply kaya hiningi nito ang tulong ng mga kaibigang bansa para makakuha ng supply ng bakuna na ginagamit ngayon sa mga Pilipino.

“Kaya nga po ang ginawa ng ating Presidente, hindi siya pumayag na mag-antay sa wala, nakipag-ugnayan sa ating mga kaibigan na mga karatig bansa, mga kapwa developing nations at nagkaroon naman tayo ng 30 milyones ngayon ay nabakunahan na,” dagdag ni Roque.

Sinabi pa ng kalihim na malapit ng matapos ang pagbakuna sa mga Metro Manila at nagkasundo ang Metro Mayors na tutulong sila sa pagbabakuna sa mga karatig-lugar para magkaroon ng population protection sa Metro Manila Plus 8.

The post Nabakunahang Pinoy 30 milyon na – Roque first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nabakunahang-pinoy-30-milyon-na-roque/)