Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang administrator ng National Electrification Administration (NEA) na si Edgardo Masongsong.

Inanunsiyo ito ng Pangulo sa kanyang Talk to the People nitong Huwebes ng gabi na inere ngayong Biyernes sa PTV4.

Inalis ng Pangulo si Masongsong sa serbisyo dahil sa isyu ng katiwalian matapos imbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission at irekomenda ang pagsibak dito.

“May bago akong… the name is Edgardo Masongsong, he is the administrator of the National Electrification Administration. I dismissed him from public service,” anang Pangulo.

Ang pagsibak aniya sa NEA administrator ay bahagi ng patuloy na paglilinis sa gobyerno laban sa katiwalian.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya magagarantiya na ganap na malilinis ang gobyerno sa korapsyon subalit ginagawa ang lahat dahil nakaugat na aniya ang talamak na katiwalian sa burukrasya.

“I’m sorry but I said people are skeptic and scenic about our desire to improve our government service. We do not claim to totally clean government at this time, not even with another president. Endemic ang corruption,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak ni Pangulong Duterte sa publiko na ipagpapatuloy ang paglilinis sa gobyerno hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.

“I am given the opportunity to show to the people again that… we are not gagging about it but we are trying to cope up with the situation regarding graft and corruption in our government. We do not proclaim that our government is graft-free, we are trying our very best to cope up,” wika ng Pangulo.

The post NEA administrator sinibak ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nea-administrator-sinibak-ni-duterte/)