May nasisinag na pag-asa ang OCTA Research sa lockdown na umiiral sa Metro Manila.

Sinabi ni Professor Guido David na bumagal na ang pagkalat ng kontaminasyon at nagsisimulang bumaba ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Bagamat naitala ang mahigit 14,000 cases nitong weekend sa buong bansa, sinabi ni Professor David na mas mababa na ang naitala sa Metro Manilanat may indikasyong nakokontrol na ang pagkalat ng COVID-19.

“Kahit pinakamataas yung na-tally natin sa buong bansa 14,700, yung sa Metro Manila 3,640 mas mababa siya kaysa sa past three days so may konting hope naman na baka nagsisimula ng ma-kontrol yung trend dito sa Metro Manila,” ani David.

Umaasa ang OCTA Research na bababa na ang kontaminasyon sa mga susunod na araw dahil batay sa kanilang obserbasyon ay bumagal na ang pagkalat ng virus.

“Yung reproduction number nasa 1.9, hindi pa siya bumaba pero bumagal na yung pagtaas nya. Im hoping na nag-plateau na siya at nagsisimula ng bumaba,” dagdag ni David.

Tumanggi naman itong magkomento kung may posibilidad ba na ma-extend ang lockdown sa Metro Manila pagkatapos ng August 20,2021 batay sa sitwasyon ng naitatalang kaso ng mga tinamaan ng COVID-19.

“Pagdating ng August 21, I think yung decision nila will be either extend yung ECQ or kung ibababa man ang classification, maybe mas mahigpit na MECQ,” wika ni David.

The post OCTA: Pagkalat ng COVID-19 sa NCR bumagal, may konting pag-asa! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/octa-pagkalat-ng-covid-19-sa-ncr-bumagal-may-konting-pag-asa/)