Dapat umanong hayaan ang Kongreso na himayin nang mabuti ang P5.024 trilyong budget para sa 2022 at huwag itong madaliin na aprubahan kaagad.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang budget sa susunod na taon ang pinakamalaking budget sa kasaysayan ng gobyerno kaya hindi ito dapat na igaya sa ordinaryong panukala na idinadaan sa shortcut ang proseso.

“We cannot sacrifice the quality of analyzing it even if they submitted it just yesterday because it will mean surrendering outright Congress’ power of the purse,” sabi ni Zarate.

Isinumite ng Executive department ang budget sa Kongreso noong Lunes, halos isang buwan matapos ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 26.

Pinapayagan ang Ehekutibo na isumite ang budget sa loob ng isang buwan matapos ang SONA.

Ang Kongreso ay magbi-break sa Oktobre 1, ang unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Target ng Kamara de Representantes na maipasa ang budget sa Setyembre 30 kaya mayroon lamang itong 38 araw. Kapag natapos sa Kamara, isusumite naman ang General Appropriations Bill sa Senado na magsasagawa rin ng pagdinig.

Malimit na mayroong pagkakaiba ang ipinasang bersyon ng Kamara at Senado kaya dumaraan pa ito sa Bicameral Conference Committee upang gawing pareho ang dalawang bersyon.

“Congress should conduct full and transparent deliberations of the budget because if this one passes as is, then the people would also hold Congress into account for being a rubber stamp of Malacanang,” punto pa ni Zarate.

Isa sa tinitignan ni Zarate na dapat usisain ay kung ano ang nangyari sa P200 bilyong unobligated allotment at P62.1 bilyong unreleased appropriations sa ilalim ng 2020 national budget.

“This is scandalous, even anomalous, when many people are in dire need for ayuda or aid while they are forced to stay at home without jobs or income, during different levels of lockdowns,” wika pa ni Zarate.

The post P5.024T budget himayin, wag madaliin – Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p5-024t-budget-himayin-wag-madaliin-bayan-muna/)