Iminungkahi ng vice chairperson ng House Committee on Appropriations na amyendahan ang 43-anyos na State Audit Code of the Philippines upang mas maging epektibo ito sa paglaban sa katiwalian sa gobyerno.

Ayon kay Misamis Oriental Rep. Juliette Uy ang Government Auditing Code of the Philippines ay naging batas sa pamamagitan ng Presidential Decree 1445 noong 1978.

Ito ang batayan ng mga polisiya, proseso at panuntunan ng Commission on Audit (COA) na siyang nagbabantay sa pondo ng bayan.

Sinabi ni Uy na maaaring maglagay ng probisyon sa batas upang magkaroon ng mekanismo kung saan maaaring maghain ng reklamo ang publiko kaugnay ng anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno.

Kailangan din umanong palakasin ang Internal Controls upang matiyak na ginagastos ang pondo ng gobyerno kung saan ito inilaan.

“I noticed that the State Audit Code has merely a few mentions of the word ‘fraud’ and derivatives of the word. More glaring is there are no provisions on exactly how to conduct fraud detection and the timely detection of fraud,” sabi ni Uy.

Dapat din umanong maging partikular ang batas kaugnay ng deadline ng paghahain ng mga dokumento at report na kailangan para ma-audit ng maayos ang budget ng gobyerno.

Mahalaga rin umano na maiayon sa kasalukuyang panahon ang parusa sa mga hindi sumusunod sa auditing law.

Sa kasalukuyan ang parusa sa mga lumalabas ay P1,000 multa o pagkakakulong na hindi hihigit sa anim na buwan.

The post Pag-amyenda sa gov’t auditing law inihirit ng lady solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-amyenda-sa-govt-auditing-law-inihirit-ng-lady-solon/)