Pangungunahan ni Senador Win Gatchalian ang masusing pagrepaso sa kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatuloy ng distance learning, ilang linggo bago magsimula ang School Year 2021-2022.

Ito’y matapos punahinng Commission on Audit (COA) ang mga deficiencies kasunod ng pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) na umabot sa mahigit walong bilyong piso (P8.137B). 

Kabilang sa mga pinuna ng COA ang ilang lapses sa budget utilization, kawalan o kakulangan ng mga kinakailangang mga dokumento, mga pagkukulang pagdating sa disbursement at procurement, at iba pa.

Nauna nang naghain si Gatchalian ng Senate Resolution No. 739 upang siyasatin ang kahandaan ng mga paaralan sa basic education na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon para sa susunod na school year—-face-to-face classes man, distance learning, o iba pang mga paraan ng pagtuturo.

“Ngayong pinaghahandaan natin ang pagbubukas ng panibagong school year, nais nating matiyak na handa ang DepEd na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon habang nagpapatuloy ang pandemya,” sabi ni Gatchalian.

“Dapat ay natuto na tayo mula sa karanasan natin ng nakaraang taon upang maiwasan ang mga naging problema sa pagpapatupad ng distance learning,” dagdag pa nito.

Pinuna rin ng COA ang naging mga aberya sa procurement, pag-imprenta, at paghahatid sa mga self-learning modules (SLMs) na itinuturing na backbone ng distance learning. 

Ayon sa COA, ang mga aberya ay dahil sa hindi maayos na pagpaplano at pag-monitor ng mga deliveries, pati na rin ang kabiguan ng mga suppliers na makumpleto ang mga requirements sa tamang oras.

Dahil hindi nagamit ang mga modules sa tamang panahon, pinuna ng COA na napagkaitan ang mga mag-aaral ng oportunidad na makapag-aral at naudlot ang pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. 

Sinabi pa sa ulat ng komisyon, may limang regional offices na hindi nakasunod sa mga pamantayan para sa SLMs, bagay na nagdulot ng hindi maayos na pag-imprenta.  

The post Paghahanda ng DepEd sa distance learning, bubusisiin ng Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paghahanda-ng-deped-sa-distance-learning-bubusisiin-ng-senado/)