Pasado ikalawang pagbasa sa Senado ang panukalang pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa 2022.

Sa botong 18-1 at dalawang abstain, inaprubahan noong Miyerkoles ng Senado ang Senate Bill No. 2214 na naglalayong ipagpaliban ang BARMM elections susunod na taon at palawigin ang transition period hanggang taong 2025.

Sa ilalim ng panukala, susugan nito ang ilang probisyon ng Republic Act No. 11054 ang Bangsamoro Organic Law (BOL) upang palawigin ang termino ng kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA) hanggang Hunyo 30, 2025.

Ang BTA ang nagsisilbing interim BARMM parliament sa ilalim ng BOL.

Pinapurihan ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government at pangunahing sponsor ng SB 2214, ang pag-apruba ng nasabing panukala.

Ayon kay Tolentino, ang pagpapaliban ng BARMM polls at pagpapalawig ng BTA ay upang matiyak na tuloy-tuloy na maipatutupad ang repormang politikal at normalization na napagkasunduan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF)—na nakapaloob sa ilalim ng 2015 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Batay sa pag-aaral ng COMELEC, hindi maaaring ituloy ang BARMM elections kung walang regional electoral code sa kadahilanang ito ang magiging basehan sa reapportionment at redistricting ng mga parliamentary districts sa rehiyon.

Hindi pa rin aprubado magpa sa hanggang ngayon ang draft ng BARMM electoral code dahil apektado ng mga lockdowns dulot ng COVID-19 pandemic ang sesyon ng interim Bangsamoro parliament.

Inaprubahan kamakailan ng COMELEC en banc ang Resolution No. 10713, kung saan sinasaad nito na ang mga alokasyon para sa elective posts para BARMM parliament ay hindi pa maaaring matukoy hangga’t hindi naipapasa ang regional electoral code.

Malinaw din sa nasabing resolusyon ang kawalan ng apportionment para parliamentary districts, at maging ang paraan kung paano gagawin ang halalan sa 63 barangay North Cotabato na sumapi kamakailan sa BARMM.

Dahil sa mga lockdown dulot ng pandemya, bigo pa rin ang BTA na ipasa ang regional electoral code dahil iniintay pa rin nito ang mga datos mula 2020 Census ng Philippine Statistics Authority

The post Pagpapaliban ng BARMM election umusad sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpapaliban-ng-barmm-election-umusad-sa-senado/)