Maaari na umanong simulan ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 15 sa Oktobre kung darating ang 25 milyong dose ng COVID-19 vaccines buwan-buwan.

Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor, ang dapat na unahin ay ang mga edad 12-15 na mayroong suppressed immune system o may comorbidities gaya ng asthma.

Batay sa datos, 12.4% ng mga batang Pilipino ang mayroong asthma at karamihan ay nasa mahirap na pamilya.

“Children who are living with senior citizens may also be prioritized to receive shots, even if the seniors in the household have been fully vaccinated,” sabi ni Defensor.

Iniulat ng mga lokal na pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga bata na nahahawa ng COVID-19.

Sa Quezon City, sa mga bagong kaso mula Agosto 1 hanggang 7, 318 kaso ang bata na edad 17 pababa, ayon sa epidemiology and disease surveillance unit ng siyudad.

Noong Hunyo ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Pfizer-BioNTech para gamitin ang kanilang bakuna sa mga edad 12-15.

Nauna rito, inihain ni Defensor ang House Bill 9200 upang mabigyan ng tax incentive ang mga pribadong kompanya na bibili ng COVID-19 vaccines para sa mga estudyante.

Nais ni Defensor na isama ang bakuna sa Adopt-a-School Program, isang programa na itinayo ng Kongreso para makahikayat ng mga pribadong indibidwal na magbigay ng donasyon sa mga pampublikong paaralan para mapunan ang kakulangan dito.

Ang mga nagbibigay ng donasyon ay pinapayagan na ibawas ang 150% ng halaga ng kanilang donasyon sa kanilang taxable income.

The post Pagturok sa 12-15 taong gulang pwede sa Oktobre – Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagturok-sa-12-15-taong-gulang-pwede-sa-oktobre-defensor1/)