Ipinagtanggol ng Malacañang ang mataas na budget na inilaan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isinumiteng 2022 proposed national budget sa Kongreso.

Mula sa P1 bilyong pondo ngayong taon, naglaan ang gobyerno ng P28.1 billion para sa NTF-ELCAC para sa susunod na taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang pondo ay gagamitin sa mga proyektong magbibigay ng hanapbuhay sa mga mahihirap na mamamayan sa mga malalayong barangay.

Ang kahirapan aniya ang isa sa mga dahilan kaya nagiging rebelde ang mga tao lalo na sa mga liblib na kanayunan at ito ang tinutugunan ng gobyerno.

“Maski nandiyan ang pandemya, alam pa rin natin na ang kagutuman ang dahilan ng pag-aalsa. Itong mga proyektong ito ang magbibigay hanapbuhay doon sa mga nahihirapan sa buhay kaya sila nagiging rebelde.” ani Roque.

Bahagi aniya ito ng estratehiya ng gobyerno para makabangon ang mamamayan mula sa matinding epekto ng COVID pandemic kaya aasahan ang mas maraming development projects ng NTF ELCAC sa susunod na taon.

“Ito po ay sang-ayon sa ating estratehiya kung paano tayo babangon galing dito sa pandemya na ito. That is to provide more development projects ng sa ganon ay mas maraming hanapbuhay at mas maraming pera ang iikot sa ating ekonomiya,” dagdag ni Roque.

Agad na inalmahan ng mga progresibong mambabatas sa Kamara ang malaking pondo ng NTF-ELCAC na nakapaloob sa panukalang pambansang budget sa 2022 at tiniyak na dadaan umano ito sa butas ng karayom sa sandaling simulan na ang deliberasyon sa proposed budget.

The post Palasyo dinepensahan mataas na 2022 budget ng NTF-ELCAC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-dinepensahan-mataas-na-2022-budget-ng-ntf-elcac/)