Naisumite na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang P5.04 trillion proposed 2022 national expenditure program.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ito ang pinaka-mataas na budget na isinumite ng ehekutibo sa Kongreso.

Ayon sa kalihim, nakapaloob sa panukalang pambansang budget sa 2022 ang pagpopondo sa mga pangangailangan at pagtugon sa problema sa epektong idinulot ng COVID-19 pandemic, pati na rin ang mga hakbang para sa pagbangon ng ekonomiya.

Sinabi ni Roque na nakapaloob din sa panukalang pambansang budget ang pagsusulong ng mga programang pang-istruktura sa ilalim ng Build,Build,Build program ng Duterte administration.

“Itong 2022 national expenditure program, sang-ayon sa DBM ay binuo para magbigay ng pondo at suporta sa lahat ng mga pangangailangan natin habang tuloy-tuloy pa rin ang COVID pandemic at para ma-sustain ang trajectory ng ating economic growth at para magpatuloy ang legacy ng infrastructure development,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na malaking bahagi ng panukalang budget ay gugugulin ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 na isa sa pinaka-malaking problema ngayon ng bansa.

“Ilan sa mga popondohan para labanan ang pandemya ay yung 45.4 bilyong piso para sa COVID-19 booster shots ng 93.798 million fully vaccinated Filipinos,” dagdag ni Roque.

The post Panukalang 2022 national budget naisumite na sa Kongreso first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukalang-2022-national-budget-naisumite-na-sa-kongreso/)