Pinatunayan ni 2020+1 Tokyo Olympics women’s boxing featherweight silver medalist Nesthy Petecio na aangat rin ang mga kababaihan sa larangan ng sports, gaya sa laro niya kaya naman hinihimok ang mga eba na subukan din ang boxing at iba pang combat sports.

Tumapos na pangalawa ang 29-anyos na Davaoeña sa buwang itong quadrennial sports conclave para maging unang Pinay na nanalo ng medalya sa boksing.

“Sa boxing totoo po na maraming takot, especially sa mga kababaihan,” saad ni Petecio sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes. “So, sa akin naman po, kumbaga, wala sa babae, wala sa lalaki po ‘yan eh. Kung gusto mo ang sports, may gusto kang maabot na pangarap mo sa sports na yun, pagpatuloy mo po.”

Humugot pa ang boxer: “Lahat naman po, nasasaktan. Sa love nga, kahit ‘di tayo makaganti, tinatanggap nating masaktan eh, sa sports pa kaya na makakapagbigay tayo ng karangalan, at saka nakakatulong pa sa atin, lalo na sa pamilya natin, sa pangarap natin.”

Bukod sa boxing, hinihikayat din ng 2019 Ulan-Ude AIBA World Women’s Boxing Championships featherweight gold winner, na subukan din ng mga kababaihan ang iba pang combat sports kung ayaw nila sa boksing.

“Ini-Encourage ko po kayong lahat na mga kababaihan na sumali po sa boxing. Hindi lang po sa boxing, sa mga combat sports po na gusto ninyo. Hindi man po ganoon kadali po, totoo po yun, pero ‘pag desidido po tayo, ‘pag gustong-gusto magiging smooth na lang po,” wakas na sey ni Petecio.

The post Petecio hinimok mga Eba na mag-combat sports first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/petecio-hinimok-mga-eba-na-mag-combat-sports/)