Dapat hikayatin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na magbigay ng kaluwagan sa kanilang mga konsyumer habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Senadora Grace Poe.

“Pinababa na ng BSP ang interest rates at nagbigay na sa mga bangko ng regulatory relief. Kaya rin nitong hikayatin ang mga bangko na magbigay ng kaluwagan sa kanilang mga kliyente sa panahon ng kagipitan,” sabi ni Poe.

Sa pagsusuri ng International Monetary Fund sa ekonomiya ng Pilipinas na inilabas nitong nagdaang linggo, nakitang hindi masyadong tumaas ang ‘bad loans’ tulad nang inisyal na inaasahan.

Kinilala ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, ang BSP dahil sa paglatag nito ng batayan para mapalakas ng mga bangko ang kanilang kapital ilang taon na ang nakalipas.

“Ang pagbibigay ng payment flexibility sa mga konsyumer habang nasa ECQ ay mahalaga para makaiwas sila sa financial ruin. Tayo ay consumer-driven economy at mahalagang matulungan silang makabangon para maitaguyod ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa,”ayon kay Poe.

Sa pinakabagong datos ng BSP, ang kabuuang pautang ng commercial at universal banks ay nagkakahalaga ng P9.8 trilyon nitong katapusan ng Hunyo 2021. Ang consumer loans, na tinawag din ng BSP na pautang para sa household consumption ay nagkakahalaga lamang ng P817.4 bilyon, na ika-10 bahagi lamang ng kabuuang pautang.

“Maaaring tumawag ang mga malalaking kumpanya sa kanilang mga bangko para humiling na mapababa ang interes at palugit para sa payment period,” ayon kay Poe.

“Subalit para sa mga maliliit na nangungutang, hindi iyon ganoon kadali. Kung walang kaluwagan o loan restructuring, madaling mawawala ang kanilang bahay o kabuhayan. Para sa mga TNVS driver, pagkakaitan sila ng kanilang sasakyan at pagkukunan ng kita. Kung mag-isip lang din ng pangmatagalan, tutulungan natin ang mga konsyumer,” dagdag pa ng senadora.

Bilang sponsor, pinangunahan ni Poe ang pagsasabatas ng Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act o Republic Act 11523 na pinapayagan ang mga bangko na ilipat ang kanilang mga nonperforming loan sa mga FIST corporation para masuportahan ng mga bangko ang mga aktibidad na tutulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

The post Poe: Huwag gipitin ang mga konsyumer sa panahon ng ECQ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/poe-huwag-gipitin-ang-mga-konsyumer-sa-panahon-ng-ecq/)