Inaayos na ng gobyerno ang pagpapauwi sa may 100 Pilipinong hindi pa nakakaalis sa Afghanistan.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration head Hans Leo Cacdac na nakikipag-usap na sila sa airline companies para maiuwi sa bansa ang mga natitirang Pinoy sa Afghanistan.

Tiniyak naman ng opisyal na nasa isang ligtas na lugar ang mga Pinoy sa nabanggit na bansa habang naghihintay na makauwi ang mga ito sa Pilipinas.

“Ina-arrange na po ang repatriation ng mga naiwan. Nakikipag-usap na kami sa airline companies para masundo sila,” ani Cacdac.

Maging ang employer ng mga Pilipinong nasa Afghanistan ay gumagawa na rin ng paraan para ligtas na makalabas agad ang mga ito.

Tiniyak  ni Cacdac na ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng paraan para maiuwi sa bansa ang mga naiwang manggagawang Pinoy sa Afghanistan.

Matatandaang nasa mahigit 30 OFWs lamang ang boluntaryong umuwi sa Pilipinas sa  unang pagputok ng  kaguluhan matapos talunin  ng Taliban forces ang mga sundalo ng Afghanistan na naging dahilan para agad na tumakas palabas ng bansa si Afghan President Ashraf Ghani.

The post Repatriation ng mga Pinoy na naiwan sa Afghanistan inaayos na – OWWA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/repatriation-ng-mga-pinoy-na-naiwan-sa-afghanistan-inaayos-na-owwa/)