Hiniling ni Senadora Risa Hontiveros sa Manila Electric Co. (Meralco) na suspendihin muna ang anumang dagdag singil sa kuryente hangga’t hindi ito nakakapag-bigay ng malinaw na paliwanag sa patuloy na pagtaas sa presyo nito gayundin ang rotational brownout.

Ginawa ni Hontiveros ang panawagan matapos ipahayag ng Meralco na tataas ang singil sa kuryente ngayong Agosto ng P0.0965/kWh. Katumbas ito sa P19.00 para sa mga kabahayan na kumukonsumo ng 200kWh kada buwan.

“Dapat ipatigil muna ang anumang dagdag-singil sa kuryente hangga’t walang klarong paliwanag ang ERC kung bakit patuloy na tumataas ang transmission charge na ipinapasa sa konsyumer,” sabi ni Hontiveros.

“Hindi biro ang limang buwang sunud-sunod na taas-singil. Bawat piso ay mahalaga ngayon lalo pa’t marami na naman ang hindi makapag-hanapbuhay dahil sa panibagong lockdown, ” dagdag nito.

Sabi ng Meralco, ang mataas na transmission charges ngayong buwan ay dahil sa ancillary services (AS) na tumaas sa P0.7323 mula dating P0.05992.

“Ang malaking tanong na dapat sagutin ng ERC at Department of Energy (DOE) ay permissible ba ang pagtaas na ito? During the Senate investigation, these agencies left us with an assurance that there will be no increase in transmission charges even if non-firm contracts of National Grid Corporation of the Philippines’ ancillary services were converted to firm contracts. Lip service lang ba ito?,” tanon ni Hontiveros.

“Kung walang malinaw na paliwanag tungkol dito, makabubuting ipatigil muna ito para sa kapakanan ng ating mga konsyumer na umaasa sa magandang ibinunga ng naturang pagdinig,” dagdag nito.

“In fact, may nagsabi pa nga from among the players na possible pang bumaba ang charges na ito once firm AS is auctioned to the market,” sambit pa ng senadora.

The post Risa nakiusap sa Meralco: Taas-singil suspendihin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/risa-nakiusap-sa-meralco-taas-singil-suspendihin/)