Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Budget and Management (DBM) na tigilan ang pagtanggap ng mga proposal mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation dahil sa koneksyon nito sa Pharmally International Holdings Corporation, isang Taiwanese company na sangkot sa financial fraud.

Ang Pharmally Pharmaceutical ang pinakamalaking supplier ng medical goods para sa COVID-19 response ng Pilipinas.

“Pera ng taumbayan ang ginagamit para bayaran ang bilyon-bilyong halaga ng kontrata para sa ating COVID-19 response. Hindi pwedeng ang kaban ng bayan ay napupunta pala sa mga kumpanyang hindi pala mapagkakatiwalaan. This dubious supplier must go,” sabi ni Hontiveros.

Sa report ng Taipei Times, si Huwang Wen Lai, chairman ng Pharmally International, ay naisyuhan ng arrest warrant dahil sa paglipat ng $NT700 milyon sa kanyang personal account.

Inakusahan si Huwang ng pakikipagsabwatan sa mga negosyanteng Chinese para mameke ng accounts at financial statement sa isa sa pinakamalaking security fraud cases ng taon kung saan sangkot Taiwan Stock Exchange (TWSE)-listed firm.

Napag-alaman ng senador na si Huang Tzu Yen, isa sa mga may-ari ng Pharmally Pharmaceutical, ay anak ni Huang Wen-lai.  Sabi ng Bloomberg, si Huang Tzu Yen ay board member din ng Pharmally International.

“It is unacceptable that DBM continues to award Pharmally with contracts. Is the DBM simply failing  to do its due diligence or  is it in cahoots with this questionable local firm?” ani Hontiveros.

“Either way, it is deplorable all the same. We should not hesitate to end contracts with companies that may be involved with illegal activities, whether here or abroad,” saad pa nito.

Nauna nang sinabi ni Senador Frank Drilon na overpriced ng P208 milyon ang P480 milyong kontrata ng Pharmally para sa pagbili ng test kits.

“Isang taon na ang lumipas, tapos hindi man lang nag-abala ang DBM na suriin ang kumpanyang bilyon-bilyon na ang kita? Nakakalungkot isipin na sa panahong gipit na gipit ang mga Pilipino, may mga tao pang gustong mangupit,”ani Hontiveros.

“Sa imbestigasyon namin sa Senado, paulit-ulit nang lumilitaw ang pangalan nitong Pharmally. Ilang warning pa dapat ang kailangan bago mabahala ang DBM at huminto na ang pagbibigay ng kontrata sa kanila? Kahit ilang red flags pa ang nagwawagayway, nagbubulag-bulagan parin ang mga korap,” pagtatapos nito.

The post Risa sa DBM: Tanggihan proposal ng supplier na maanomalya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/risa-sa-dbm-tanggihan-proposal-ng-supplier-na-maanomalya/)