Dapat magpakatotoo na umano si Vice-President Leni Robredo kaugnay sa plano nito sa darating na eleksyon.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos iparinig sa kanya ang political jingle ng bise-presidente sa isang istasyon ng radyo.

Ayon kay Roque, hindi maitatangging kasado na ang plano ni VP Leni para sa 2022 elections taliwas sa mga pahayag nito na ayaw nitong namulitika sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

“Kailangan magpakatotoo na. Hindi natin madi-deny kahit pa sabihing ayaw mamulitika sa panahon ng pandemya eh nandiyan na ang filing of candidacy sa Oktubre. Nandiyan po ang eleksyon sa Mayo, eh hindi mo naman maililipat ang eleksyon ng hindi ka mag-aamiyenda ng Saligang Batas,” ani Roque.

Pinuna rin ng kalihim ang tila maagang paramdam sa paid political ad ni VP Leni na malinaw na pinondohan ito.

“Ready or not ready, elections will happen so magpakatotoo tayo lahat. Tanggap ko ang katotohanan at ang mapait na katotohanan eh hindi lahat ay may pera sa advertisement ng ganito kaaga,” dagdag ni Roque.

Sa nabanggit na political ad ng pangalawang angulo, walang binabanggit para sa 2022 elections subalit malinaw ang mga kataga na “Kay Leni Robredo hindi ka bigo, may tama, may puso para sa Pilipino”.

The post Roque may banat kay Robredo: Magpakatotoo ka! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-may-banat-kay-robredo-magpakatotoo-ka/)