Pasado na sa Senado ang panukalang igawad ang Senate Medal of Excellence para sa mga natatanging Pinoy na magbibigay ng karangalan sa bansa.

Pinaboran ng lahat ng senador sa sesyon noong Lunes ang Senate Resolution (PSR) No. 781 na inihain nila Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino, Juan Miguel Zubiri, at Juan Edgardo Angara.

Sa ilalim ng PSR 781, gagawaran ng Senado ng ‘Medal of Excellence’ ang mga Pilipinong binigyan ng mataas na parangal o pagkilala sa iba’t ibang larangan sa ibayong dagat.

“Filipinos who are recipients of major international award giving bodies are automatically qualified to receive the Philippine Senate Medal of Excellence” sabi ni Tolentino, isa sa pangunahing may akda ng PSR 781.

Ang mga Pilipinog mabibigyan or magwawagi ng Nobel Prize, Pulitzer Prize, the A.M. Turing Award, the Ramon Magsaysay Award, o medalya sa Olympics ay awtomatikong kwalipikado na makatanggap ng Senate Medal of Excellence, ayon kay Tolentino.

Paliwanag ni Tolentino, ang mga nabanggit na patimpalak ay tinuturing na pinakamataas na pagkilala sa iba’t ibang larangan na pwedeng maasam ng isang indibidwal para sa kanilang bansa.

Noong isang linggo, nabanggit ni Tolentino na nakatangdang gawaran ng Senate Medal of Excellence ang mga atletang Pinoy na nagwagi ng medalya sa katatapos lamang na Tokyo Olympics.

Dagdag pa ni Tolentino, ang nasabing pagkilala ay maaring ihalintulad sa Congressional Gold Medal ng Kongreso ng Estados Unidos na itinuturing na pinakamataas na pagkilala sa natatanging kontribusyon ng isang indibidwal o grupo.

The post Senate Medal of Excellence aprubado na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/senate-medal-of-excellence-aprubado-na/)