Naghain ng resolusyon ang apat na kongresista upang hilingin ang paglalaan ng P1.623 bilyon para matulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ipinunto sa House Resolution 2228 na MSME ang bumubuo sa 99.51% ng mga negosyo sa bansa at nagbibigay ng trabaho sa tinatayang 5.38 milyong Pilipino batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Deputy Speaker on Trade and Industry at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian, kailangan ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga attached agency nito ang pondo para matulungan ang may 1 milyong rehistradong MSMEs gayundin ang may 4 milyong hindi rehistradong negosyo.

“We need to increase the overall budget of the DTI for MSMEs. We need to prioritize the MSMEs amid this pandemic. DTI will play big role in jump-starting the MSMEs. We need to strengthen entrepreneurship in the country. Our government should be more aggressive in rolling out loans for MSMEs” sabi ni Gatchalian.

Ipinunto ni Gatchalian na maging si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ay kinilala ang kahalagahan ng MSMEs sa pag-unlad ng ekonomiya, paglikha ng trabaho at pagbawas sa kahirapan.

Bukod sa pagbibigay ng pautang sa sektor na hindi pinapansin ng formal banking sector, nakasaad sa resolusyon ang kahalagahan na makapagbigay din ang DTI ng training para matutunan ang mga makabagong teknolohiya na magagamit sa pagnenegosyo.

Sa ilalim ng panukalang 2022 budget may nakalaang P23.7 bilyon sa ilalim ng DTI. Sa naturang halaga P13.6 bilyon ang mapupunta sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at P6.6 bilyon maiiwan sa DTI.

Ang nalalabing pondo ay paghahatian ng iba pang attached agency ng DTI kasama ang Board of Investments, Philippine Trade Training Center, Design Center of the Philippines, Construction Industry Authority of the Philippines, Cooperative Development Authority, Aurora Pacific and Economic Zone Authority and Center for International Trade Expositions and Missions, at Small Business Corporation.

Kasama ni Gatchalian bilang may-akda ng panukala sina Marikina Rep. Stella Quimbo, Navotas Rep. John Reynald Tiangco at Quezon Rep. David Suarez.

The post 4 solon humirit ng P1.6B pantulong sa MSMEs first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/4-solon-humirit-ng-p1-6b-pantulong-sa-msmes/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=4-solon-humirit-ng-p1-6b-pantulong-sa-msmes)