Kinatigan ni Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force against COVID-19 ang pagtaya ng OCTA Research na posibleng aabot na lamang sa lima hanggang anim na libong kaso ng COVID-19 kada araw ang maitatala sa Disyembre.

Sa harap na rin ito ng nakikitang pagbaba ng reproductive number ng mga nahahawaan sa National Capital Region nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Herbosa, sa kabuuan sa buong Pilipinas, nakapagtala lamang ng 12,000 COVID cases na mas mababa kumpara sa dating 29,000 sa isang araw.

“Tama po yan, mga mathematical modelling yan at kadalasan yung mathematical modellers tama ang kanilang nasasabing predictions sa mga numero, konti lang yung deviation or pagkakaiba,” ani Herbosa.

Ang dapat lamang aniyang pag-ingatan ay huwag magkaroon ng super spreader events o malakihang pagpupulong na posibleng pagmulan ng maramihang kontaminasyon.

Kabilang aniya sa mga dapat bantayan para hindi mulong tumaas ang COVID cases ay ang pagsusumite ng kandidatura ng mga pulitikong tatakbo sa darating na eleksiyon at ang mga gagawing kampanya ng mga ito na hindi maiwasang magkaroon ng maraming tao.

“Huwag lang magkaroon ng super spreader events or mga pagpupulong na mamaaring magdulot ng maraming kaso kagaya nitong filing of candidacy, yan mga sitwasyon na kailangan nating bantayan para hindi magkahawahan,” dagdag ni Hermosa. (Aileen Taliping)

The post 5-6K COVID cases projection ng OCTA sa Disyembre, kinatigan ng NTF adviser first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/5-6k-covid-cases-projection-ng-octa-sa-disyembre-kinatigan-ng-ntf-adviser/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=5-6k-covid-cases-projection-ng-octa-sa-disyembre-kinatigan-ng-ntf-adviser)