Daan-daang pastor mula sa iba’t ibang simbahan ang nanawagan kay dating Speaker Alan Peter Cayetano na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Sa isang bukas na liham, iginiit ng 588 pastor kasama ang 1,564 parokyano ng iba’t ibang simbahan ang kahalagahan na magkaroon ng lider na mayroong pananampalataya sa gitna ng nararanasang krisis ng bansa.

“Sa pinakamadilim na oras ng ating bayan, kailangan natin ng isang lider na magdadala ng liwanag at pag-asa,” saad sa sulat na may petsang Setyembre 16, 2021.

Ang mga pirma ay mula sa mga miyembro ng 562 simbahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Patuloy na iniikot ang sulat kaya inaasahan na mas marami pa ang pipirma rito.

“Kagalang-galang na dating Speaker Cayetano, naniniwala kami na ikaw ang lider na hinahanap ng ating bayan,” sabi pa sa sulat.

Nauna ng sinabi ni Cayetano na kinokonsulta nito ang kanyang pamilya at mga kasama kaugnay ng gagawin sa 2022 elections.

Sinabi ni Pastor Raul Limpiado ng Catarman Temple of Praise International sa Samar na mahalaga na magkaroon ang bansa ng lider na mayroong takot sa Diyos.

“Ang kailangan natin ay isang lider na naniniwala sa kapangyarihan ng pananampalataya at as kakayahan nitong baguhing ang anumang sitwasyon,” sabi ni Limpiado sa isang pahayag.

Tiwala si Limpiado na mapag-iisa rin ni Cayetano ang bansa gamit ang faith-based leadership.

“Ang faith-based leadership ay nakabase sa pananampalataya sa Diyos anuman ang ating relihiyon. Maraming relihiyon sa Pilipinas at naniniwala kami na si Cayetano, bilang isang public servant sa loob ng ilang dekada, ay kayang pag-isahin ang mga ito,” dagdag pa nito.

Suportado rin ni Limpiado ang Sampung Libong Pag-Asa program at Sari-Saring Pag-Asa initiative na inilunsad ni Cayetano at nakatulong na sa libu-libong mahihirap na pamilya at may-ari ng maliliit na tindahan.

The post Alan sinuportahan ng ilang simbahan na tumakbong pangulo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/alan-sinuportahan-ng-ilang-simbahan-na-tumakbong-pangulo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=alan-sinuportahan-ng-ilang-simbahan-na-tumakbong-pangulo)