Ibibigay ng mga local government unit sa ibang mga kuwalipikadong indibidwal ang mga ayuda na hindi kinuha ng mga benepisyaryong dapat tumanggap nito.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Interior and Local Government Unit (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na batay sa natanggap nilang reports, marami ang hindi kumuha ng kanilang ayuda lalo na sa Metro Manila.

“Madami pong reports na maraming nakalista sa ayuda na hindi pumunta sa distribution points na itinalaga ng local government units at kahit ilang beses na silang ipinatawag ay hindi nagpunta,” ani Malaya.

Nagdesisyon aniya si DILG Secretary Eduardo Año na sa halip na ibalik sa National Treasury ang natirang pondo ay ibigay na lamang ito sa iba na kuwalipikadong tumanggap ng ayuda.

Mayroon aniyang kalayaan ang LGUs na maghanap ng pagbibigyan ng ayuda lalo na yaong nasa listahan ng grievance commitee na nais ding makatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

“Binibigyan natin ng laya ang ating LGUs na i-identify yung kanilang constituents na pasok sa low income individuals,” dagdag ni Malaya.

Sa kasalukuyan ay limang posiyento na lamang ang hindi naipapamigay sa pondo para sa ayuda at nakatapos na ang karamihan sa mga lumgsod gaya ng Lungsod ng Maynila,Caloocan City, Pasig City, Quezon City, Malabon at Navotas.

The post Ayudang hindi natanggap ng mga benepisyaryo, ibibigay sa iba – DILG first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ayudang-hindi-natanggap-ng-mga-benepisyaryo-ibibigay-sa-iba-dilg/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ayudang-hindi-natanggap-ng-mga-benepisyaryo-ibibigay-sa-iba-dilg)