Isang araw bago ang filing ng certificate of candidacy (COC), balikan ang ilang mga nagpapansin at nagtangkang tumakbo sa mga nakaraang eleksyon.

Dahil ang pangunahing pamantayan sa pagtakbo bilang politiko ay marunong bumasa at sumulat, halos bukas para sa lahat ang pagkandidato. Mula artista, hanggang atleta ay nasasaksihang pumapasok sa politika. Sa kabilang dako, may ilan na kahit ‘di kilala, o kahit kakaiba ang pag-iisip, ay gusto pa ring maging politiko. Balikan natin ang ilan sa kanila.

1. Rizalito David – Umepal noong 2010 at 2013 para tumakbong senador, ngunit tumatak lalo noong 2016 nang naisin ang maging presidente. Si David ay miyembro ng grupong Ang Kapatiran, at ang pangunahin niyang plataporma kung manalo ay gawing Katoliko ang buong Pilipinas.

2. Ely Pamatong – Nagpapansin noong 2004 at 2010 presidential elections. Ang kanyang plataporma ay maging ika-51 estado ng US ang Pilipinas. Noong 2004, binigyan siya ng alyas na ‘Spike’ matapos niyang pangunahan ang isang protesta sa ilang kalsada sa Metro Manila kung saan kinalat nila ang mga spike na gawa sa bakal na nagdulot ng mga butas na gulong sa mga sasakyan.

3. Archangel Lucifer – Tumakbong pangulo noong 2016. Robert John Ygonia ang tunay na pangalan. Aniya, ang Panginoong Hesus ang pumili sa kanya para pangunahan ang bansa.

4. Sel Hope Kang – Tinaguriang ‘Pabebe Candidate’ at naghain ng COC para tumakbong pangulo noong 2016. Ipinagmalaki niyang graduate raw siya ng Cum Laude sa UP Diliman sa kursong Home Economics. Napag-isipan daw siyang tumakbo pagkatapos magpunta sa 7/11. Yun nga lang, 37-anyos pa lamang siya noong 2016 kaya’t agad na ‘di inaprubahan ang pagkandidato.

5. Allan Carreon – Siya raw ang ‘Intergalactic Earth Ambassador.’ Gusto maging pangulo noong 2016 para paunlarin ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga spaceship, Jedi, at pakikipag-usap sa mga alien. Naging laman ng mga meme noong mga panahong yaon. Nag-guest pa sa ‘Gandang Gabi Vice.’

6. Eddie Gil – Nagpapansin noong 2001 para maging senador at 2004 bilang pangulo. Ngunit tumatak noong 2004 dahil ‘di agad siya idineklarang nuisance candidate. Ang kanyang plataporma? Gawing milyonaryo ang bawat Pilipino mula sa kanyang $10 bilyon na net worth.

7. Jonalyn Febrer – Mas pamilyar bilang ‘Ang Tunay na Presidente.’ Nag-viral ang kanyang pagwawala sa labas ng tanggapan ng Commission on Elections at sinisigaw ang ‘Ako ang tunay na presidente ng Pilipinas.’ Panoorin na lang ang video.

Sa filing ng COC mula Oktubre 1 hanggang 8, abangan muli kung may mga magpapansin pa at tatangkain ang maupo sa gobyerno. (MJD)

The post BALIKAN: Mga ‘May Tama’ na naghain ng COC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/balikan-mga-may-tama-na-naghain-ng-coc/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=balikan-mga-may-tama-na-naghain-ng-coc)