Suportado ni Senador Bong Go ang panukalang limitahan ang paggamit ng face shield sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19.

“Pag-aralan natin kung pwede nang gawing voluntary ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na mababa naman ang risk of infection,” sabi ni Go, chairman ng Senate Health Committee.

“Baka pwedeng hindi na gawing mandatory kung hindi naman closed or crowded ang isang lugar na walang close contact ang mga tao sa isa’t isa,” paliwanag nito.

“Dalawang taon na itong pandemya. Baka napapanahon na gawin natin ito para makahinga ng konti ang mga Pilipino at mapagaan ang hirap na kanilang dinadala. Ang importante naman ay protektado pa rin dahil, una sa lahat, ay buhay ng mga Pilipino ang ating prayoridad,” dagdag nito.

Bingiyang diin ni Go na habang minamadali ng pamahalaan ang vaccine rollout, maaring ikonsidera nag awing non-mandatory ang pagsusuot ng face shield lalo na sa fully vaccinated na mga indbidwal.

“Ang pangunahing proteksyon naman natin ay ang mask at ang bakuna. Dagdag proteksyon ang face shield pero pwede nang hindi gawing mandatory yan kung mababa naman ang risk ayon sa mga eksperto,” ani Go.

“Paminsan kasi nakakadagdag lang sa pasakit ng ordinaryong manggagawa ang pagsuot ng face shield. Nakaka-apekto rin sa trabaho,” sambit pa nito.

“Kaya uulitin ko, kung hindi naman crowded, hindi naman closed space, at wala namang close contact, payagan na nating hindi sila magface shield kung ligtas naman,” ayon sa senador.

The post Boluntaryong pagsuot ng face shield pag-aralan – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/boluntaryong-pagsuot-ng-face-shield-pag-aralan-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=boluntaryong-pagsuot-ng-face-shield-pag-aralan-go)