Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pagluluwag ang alert system na ipinatupad sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.

Inihayag ito ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa press briefing bilang tugon sa babala ni World Health Organization country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na dapat maging maingat ang Pilipinas sa pag-recalibrate sa quarantine restrictions dahil hindi pa sapat ang mga nabakunahan sa Metro Manila.

Sinabi ni Vergeire na ang bagong sistema sa quarantine ay bahagi ng istratehiya ng gobyerno para matutukan ang pagtugon sa pagkalat ng COVID-19 sa National Capital Region.

“I think maraming tao ang nagkakaroon ng maling pananaw dito sa ginagawa nating pilot implementation. Hindi po tayo nagluluwag. Kailangan maintindihan natin na nagre-strategize po tayo para mas may focus ang ating response,” ani Vergeire.

Tinututukan aniya ng gobyerno ang mga lugar na mataas ang kaso ng hawaan kaya ipinatupad ang granular lockdown.

Nais aniya ng gobyerno na mapababa ang kaso sa bawat lugar kaya ipinatupad ang granular lockdown sa mga lokalidad.

“We are focusing more on those highly burdened areas kaya nag-granular lockdown po. Kasabay niyan nag-focus tayo sa framework ng 3Cs — crowded, mga lugar na makapag-transmit sa close-contact at mga closed na lugar. ‘Yan ang ating binabantayan,” dagdag ni Vergeire.

The post DOH: Alert system sa NCR hindi pagluluwag first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-alert-system-sa-ncr-hindi-pagluluwag/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-alert-system-sa-ncr-hindi-pagluluwag)