Nanindigan ang gobyerno na hindi ibibigay ang booster shot sa mamamayan hangga’t walang matibay na ebidensiyang nakakatulong ito para makaligtas sa bagsik ng COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy na inaaral pa ng mga eksperto kung talagang nakakatulong ba talaga ang booster shot laban sa COVID-19.

Hinihintay pa aniya ng mga eksperto ng gobyerno ang resulta ng mga ginagawang pag-aaral mula sa ibang bansa bago magpasya para rito.

“We wait for further evidence and tayo ay pabor na magbigay ng booster pero kailangan may sapat na ebidensiya para may basehan so that we can guarantee the protection of our public kapag nagbigay tayo ng booster shot,” ani Vergeire.

Bagama’t mayroon na aniyang ibinibigay na booster shot sa mga mamamayan sa Amerika, sinabi ng opisyal na kinukuwestiyon ito ng dalawang institusyon na indiskasyong hindi pa sapat ang pag-aaral para sa booster shot.

“Our experts are still continuously looking for evidence, inaaral pa talaga lahat ito ng mga eksperto. Nagkaroon ng opposing views ang FDA at CDC ng US at iyan ay isang senyales na talagang hindi pa sapat ang ebidensiya para sa booster shot,” dagdag ni Vergeire.

Sinabi ng opisyal na hinihintay lamang ng DOH na magkaroon ng kumpletong ebidensiya para masigurong hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga health worker at mga mamamayan na mangailangan nito.

“Even reputable institutions are having contradicting opinion or views about this. So antayin po natin na magkaroon ng kumpletong ebidensiya dahil kailangan naming ma-guarantee na kapag ibinigay namin ito this would really provide protection to our healthcare workers and the other vulnerable population in the country,” wika ni Vergeire.

The post DOH: Pagbibigay ng booster shot inaaral pa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-pagbibigay-ng-booster-shot-inaaral-pa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-pagbibigay-ng-booster-shot-inaaral-pa)