Bukod sa mainit ang ulo, gusto umanong gumanti ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang mga senador dahil sa ginagawang imbestigasyon ng Senado sa alegasyon ng diumano’y overpriced na medical supply para sa pandemya.

Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa patuloy na pag-atake ni Duterte sa kanya at sa iba pang senador na tumututok sa pagsisiyasat sa nasabing kontrobersiya.

“Hindi ko alam kung bakit, siguro dahil mainit na ang ulo. Siguro gusto niya ring gumanti sa amin. Hindi naman iyon dapat. Ang ating hinahanap ay katotohanan, walang personal dito,” pahayag ni Drilon sa panayam sa dzBB.

Noong Sabado, muling binakbakan ni Duterte si Drilon kung saan pinagpapaliwanag nito ang senador hinggil sa kaugnayan nito kay Janet Napoles, ang tinuturong mastermind sa pork barrel scam at dalawa pang pang personalidad na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Bukod kay Drilon, kinastigo din ng pangulo sina Senador Panfilo Lacson at Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, dahil sa imbestigasyon tungkol sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa pandemya.

“Unang-una, nakakalungkot na sa halip na ang pinag-uusapan natin kung paano mapapanagot ang nangyaring premeditated plunder o plinanong pandarambong sa kaban ng bayan, pinupukol kaming mga senador ng iba’t ibang intriga at allegations – na walang katotohanan,” sabi ni Drilon.

Paliwanag ng minority leader, limang taon na umano ang alegasyon laban sa kanya tungkol kay Napoles at walang namang isinampang kaso sa kanya sa korte.

“Ito ay nakakalungkot. Ito ay mga mahigit limang taon ng alegasyon. Yung kay Napoles, wala namang naisapampang kaso laban sakin, walang katotohanan,” ani Drilon.

Bukod kay Napoles, tinanong din ni Duterte ang diumano’y koneksyon ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog at retired police general Marcelo Garbo Jr. na sinasabing sangkot diumano sa iligal na droga.

“Si Jed Mabilog, kamag-anak ko pero may lumabas bang ebidensya na nag-uusap kami sa droga. Si Gen. Garbo, iyan ay dating regional director ng Region 6 siguro mahigit isang dekada. Anong relasyon ko ron?” tanong pa ni Drilon.

The post Drilon: Duterte gigil gumanti first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/drilon-duterte-gigil-gumanti/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=drilon-duterte-gigil-gumanti)