Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Gordon na itigil na ang pamumulitika nito dahil sawa na ang mga tao sa estilo nito.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na nagtataka ito kung ano pa ang gustong hanapin ng senador dahil nasabi na ng Commission on Audit (COA) na walang overpricing sa mga biniling medical supplies para sa pagtugon sa COVID-19.
“Nasagot na namin lahat. Tama na ang pamumulitika mo. Sawa na ang mga tao sa style ninyo. Ito naman talaga ang isyu diyan. Mayroon bang overpricing? Sabi ng COA wala. Mayroon bang ghost deliveries? Sabi ng COA wala. Ano pang gusto mong hanapin?,” anang Pangulo.
Hinamon ni Pangulong Duterte si Gordon na ilabas kung ano ang nakita nito sa ginagawang walang katapusang imbestigasyon ng kanyang Senate Blue Ribbon Committee dahil malinaw na wala itong nakitang anomalya o korapsiyon sa COA report.
Inakusahan ng Presidente ang senador ng witch-hunting para sa pulitika at palabasing graft buster ito at naghahanap ng katiwalian sa gobyerno.
“Kung mayroon kang nakita ilabas mo para malaman namjn kung ano yan. And because you cannot find any overpricing or is it because a witch hunt, a fishing expedition for a political circus kunwari sa panahon na ito ikaw yung graft buster, ikaw yung naghahanap ng katiwalian sa gobyerno,” dagdag ng Pangulo.
Patutunayan aniya nito na bigo ang Senate Blue Ribbon na mayroong korapsiyon sa mga ginagawang imbestigasyon sa mga biniling medical supplies ng gobyerno.
“I will tell you why you are a farce. Is the ongoing inquiry truly in aid of legislation or is it for political purposes? The simple fact is that the Blue Ribbon Committee has failed to produce anything to prove its accusation of corruption,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-gordon-tama-na-ang-pamumulitika-mo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kay-gordon-tama-na-ang-pamumulitika-mo)
0 Mga Komento