Habang patuloy na nadaragdagan ang kanilang chapter sa loob at labas ng bansa, inihahanda na rin ng Hugpong Para kay Sara ang economic roadmap na magagamit umano ni Davao City Mayor Sara Duterte sa pagdedesisyon kung tatakbo o hindi sa 2022 presidential elections.

Ayon kay Deputy Speaker at Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera, malalim ang pag-aaral na isinasagawa ng kanilang grupo upang malaman ang mga problema at mga solusyon na kailangang gawin ni Mayor Duterte sakaling magdesisyon ito na tumakbo.

Kasama umano sa mga isyu na pinag-aaralan ang West China Sea, human rights, unemployment, war on illegal drugs, extrajudicial killings at ang estado ng education system ng bansa.

Sinabi ni Herrera na patuloy ding dumarami ang sumasali sa HPS.

Mayroon na umano itong chapter sa San Juan, Pasig, Caloocan, ParaƱaque, Quezon City, Makati, Muntinlupa, Nueva Ecija, General Trias sa Cavite, Lipa City sa Batangas, pitong munisipyo ng Sarangani province, Legazpi City at Ligao City sa Albay at Masbate.

Si Cezar Bordeos, Jr., anak ni dating Legazpi Mayor Cezar Bordeos Sr., at kilalang suporter ng Liberal Party, ay vice president umano ng HPS Legazpi City chapter ayon kay Herrera.

Ang mga Overseas Filipino workers sa Kuwait, Dubai, Florence, Italy at Canada ay sumali na rin umano sa panawagan na tumakbo si Mayor Duterte.

“She is the perfect person with her personality and being confident, yet quiet and reserved pero palaban at may totoong malasakit para sa bayan,” sabi ni Herrera, spokesperson ng HPS.

Umapela si Herrera sa mga sumusuporta kay Mayor Duterte na sumali sa kanilang panawagan na tumakbo ito sa pampanguluhang eleksyon sa susunod na taon.

The post Economic roadmap inihahanda na ng Hugpong Para kay Sara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/economic-roadmap-inihahanda-na-ng-hugpong-para-kay-sara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=economic-roadmap-inihahanda-na-ng-hugpong-para-kay-sara)