Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) na sa mga mababang alert level lamang maaaring makalabas ng bahay para makapag-ehersisyo ang mga bata at matatanda.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force na pinapayagan ng makalabas para mag-ehersisyo sa labas ng bahay ang mga tao.

Ayon kay Vergeire, makakalabas lamang ang mga bata at may mga edad kapag mababa ang alert level sa kanilang lugar, partikular sa Metro Manila kung saan ipinapatupad ang pilot implementation ng alert level system bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

“Maaari lamang gawin iyan doon sa lower alert levels katulad ng alert level 3,2 at 1. But definitely sa mga high risk areas hindi pa pwedeng payagan ang paglabas ng mga kabataan at mga senior citizen,” ani Vergeire.

Mananatili aniyang homeliners ang mga batang edad 18 pababa at senior citizens na edad 65 pataas sa mga lugar na mataas ang COVID-19 contamination o nasa alert level 4.

“Kung nandoon ka sa isang high risk na alert level katulad ng alert level 4, kasama sa sectoral restriction ang age so hindi natin palabasin ang mga bata na 18 years and below o mga matatanda na 65 years old and above,” dagdag ni Vergeire.

Maraming mga senior citizen at mga bata ang umaasam na sana ay payagan na silang makalabas dahil sa mahigit isang taong pananatili sa kani-kanilang mga bahay subalit mahigpit ang gobyerno dahil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa at sa buong mundo.

The post Ehersisyo ng bagets, tanders, pwede lang sa mababang alert level first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ehersisyo-ng-bagets-tanders-pwede-lang-sa-mababang-alert-level/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ehersisyo-ng-bagets-tanders-pwede-lang-sa-mababang-alert-level)