Inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dalawang electric cooperative na itigil ang paniningil ng karagdagang Reinvestment Fund for Sustainable Capital Expenditures.
Ayon sa ERC, nasa 53.24 sentimo per kilowatt hour ang sinisingil ng Camiguin Electric Cooperative Inc. (Camelco) CAMELCO at 25.08 sentimos naman sa Bukidnon Second Electric Cooperative Inc. (Buseco) na pinatitigil na nitong singilin.
Inihayag ng ERC na hindi sumunod ang Camelco sa iniutos ng komisyon na magsumite ng 3rd party audit report tungkol sa RFSC na sinisingil sa mga consumer at miyembro ng kooperatiba.
Inutusan din ng ERC ang Camelco na magsumite ng update tungkol sa mga capital expenditure project nito o ang mga pinagkakagastusan ng kooperatiba kasama na ang layunin ng mga proyekto at update ng koleksyon nito ng RFSC.
Sabi ng ERC, nagsumite naman ang Buseco ng 3rd party audit report tungkol sa RFSC nito para sa Agosto 2011 hanggang Hulyo 2014 ngunit kailangan itong i-update ang datos mula Agosto 2014 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay ERC chairperson Agnes Devanadera, hindi palalagpasin ng komisyon ang hindi pagsunod ng mga electric cooperative at iba pang nasasakupan ng kanilang mga kautusan.
Aniya, babantayan nilang mabuti ang pagsunod ng Camelco at Buseco, partikular na ang pagsumite ng kanilang mga hinihinging mga dokumento.
Babala ni Devanadera, mapipilitan ang ERC na parusahan sila kapag hindi sumunod sa iniutos ng ahensiya.
The post ERC pinatigil sobrang paniningil ng 2 electric cooperative first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/erc-pinatigil-sobrang-paniningil-ng-2-electric-cooperative/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=erc-pinatigil-sobrang-paniningil-ng-2-electric-cooperative)
0 Mga Komento