Kinondena ni Senador Win Gatchalian ang pagkamatay ng isang kadete dahil sa hazing sa loob mismo ng Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.

Sabi ni Gatchalian, dapat tiyakin ng PNPA at ng Philippine National Police (PNP) na mananaig ang Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053) sa pagkamit ng hustisya para sa yumaong kadete.

“Ang PNPA ay dapat nagsisilbing halimbawa sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa hazing, lalo na’t dito hinuhubog ang kapulisang magtatanggol sa ating mga mamamayan. Ang pagpapatuloy ng ganitong mga gawain sa loob ng akademya ay pang-iinsulto at pagbabalewala sa ipinasa nating batas,” sabi ni Gatchalian.

“Hindi natin dapat ito pinalalagpas. Ang mga kadete ay dapat nagtataguyod sa karapatang pantao at sa karangalan ng institusyong nais nilang kabilangan,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng anti-hazing law, ipinagbabawal ang anumang uri ng hazing sa mga fraternities, sororities, at mga organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens’ army training.

Ipinagbabawal din ang anumang uri ng hazing sa mga fraternities, sororities, at organisasyon na hindi naka-base sa mga paaralan.

Nakasaad dito sa batas na may mga pisikal, mental, at psychological testing at training para sa mga nais pumasok sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na hindi maituturing na hazing.

Ito iyong mga inaprubahan ng Secretary of National Defense at ng National Police Commission, at inirekomenda ng AFP Chief of Staff at hepe ng PNP.

Ang hatol na reclusion perpetua at multang P3 milyon ang nag-aabang sa mga nag-plano at lumahok sa hazing na nagdulot ng kamatayan, rape, sodomy, o mutilation.

Sabi sa report, sinuntok na si Cadet 2nd Class Steven Caesar Maingat si Cadet 3rd Class George Karl Magsayo sa loob ng kanilang dormitoryo noong Setyembre 23.

Nag-collapse si Magsayo at nabigyan ng first aid ng kapwa niya mga kadete na inalerto rin ang mga opisyal ng akademya. Itinakbo si Magsayo sa ospital ngunit binawian na ito ng buhay. (

The post Gatchalian kinondena insidente ng hazing sa PNPA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-kinondena-insidente-ng-hazing-sa-pnpa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-kinondena-insidente-ng-hazing-sa-pnpa)