Naglaan ang gobyerno ng P34 bilyon na pambayad ng right-of-way (ROW) para sa mga lupang madaraanan ng mga proyekto ng gobyerno sa ilalim ng 2022 national budget.

Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ang halaga ay halos triple ng P11.8 bilyon na nakalaan para sa ROW ngayong taon.

Ang ROW ay alinsunod sa Article III, Section 9 ng Konstitusyon na nagbabawal sa gobyerno na basta na lamang kunin ang mga pribadong ari-arian ng hindi binabayaran.

Ang pagbabayad ay pinapayagan din sa ilalim ng Right-of-Way Act (Republic Act 10752).

Sa ilalim ng panukalang P5.024 trilyong budget para sa susunod na taon, sinabi ni Pimentel na P21.3 bilyon ang ROW sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kasama naman sa budget ng Department of Transportation (DOTr) ang P12.7 bilyon.

Ang ROW sa ilalim ng DPWH ay para sa konstruksyon ng mga bagong kalsada, flyover, at tulay gaya ng 74-kilometer Metro Cebu Expressway Project at 8.2-kilometer 4th Cebu-Mactan Bridge and Coastal Road Project.

Ang bulto naman ng ROW sa ilalim ng DOTR ay para sa mga daraanan ng 147-kilometrong North-South Commuter Railway Project mula Calamba, Laguna hanggang New Clark City sa Capas, Tarlac; 639-kilometer Philippine National Railways South Long Haul Project mula Maynila hanggang Legazpi City; at ang 25-ektaryang New Cebu International Container Port Project sa bayan ng Consolacion. (Billy Begas)

The post Gobyerno naglaan ng P34B pambayad ng right-of-way sa 2022 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gobyerno-naglaan-ng-p34b-pambayad-ng-right-of-way-sa-2022/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gobyerno-naglaan-ng-p34b-pambayad-ng-right-of-way-sa-2022)