Ginagamit umanong armas sa eleksyon ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na paimbestigahan ang umano’y mga paglabag sa karapatang-pantao sa war on drugs ng gobyernong Duterte.
Sa isang privilege speech, sinabi ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap na “ang ICC ay nagagamit na po bilang political tool ng kalaban o ng mga taong gustong pabagsakin ang Duterte administration.”
Inihalimbawa ni Yap ang pagbabago umano ng isip ni Sen. Koko Pimentel sa usapin ng ICC.
Sabi ni Yap, noong Marso 14, 2018 ay lumabas sa balita ang sinabi ni Pimentel na sinusuportahan nito ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC at tinuligsa ang wala umanong saysay na kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ngayon pong nagkaroon na po ng mga kung anu-anong paksyon dyan at nagkaroon na po ng interes kung sino po yung mamanukin sa 2022 election, ngayong September 19, 2021, Madam Speaker, ito naman po ang aking nabasa at ako po ay nalaglag sa aking upuan habang binabasa ko to (Pimentel said) government should be cooperative in ICC drug war probe,” sabi ni Yap.
Si Pimentel ay kaalyado ni Senator Manny Pacquiao na kamakailan ay tinanggap ang nominasyon na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022.
“Ang ICC po ay wala na pong credibility ngayon…. Ang tanong ko po ngayon magkano pong rason ang naibigay para po gawin nila ito? Kaduda-duda yung timing na pagkatapos nilang manahimik biglang magpo-political season na po, ito po ang ICC ngayon lalabas,” dagdag pa ni Yap.
Iginiit ni Yap na hindi dapat manghimasok ang ICC sa Pilipinas dahil umaandar ang sistema ng hustisya sa bansa.
“Hindi po tayo katulad ngayon ng nangyayari sa Afghanistan kung saan kung mayroon kang problema hindi mo alam kung saan ka magre-report, kung meron pong mga kaso dun ay hindi mo na rin alam kung saan ka tatakbo,” punto pa ni Yap.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/icc-resolution-ginagamit-na-armas-sa-eleksyon-rep-yap1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=icc-resolution-ginagamit-na-armas-sa-eleksyon-rep-yap1)
0 Mga Komento