Nais ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na makita ang income tax record ng tatlong mataas na opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. bago at matapos makabili ng milyong pisong halaga ng mga luxury car.

“Hinihingi ko ang kanilang income tax return noong 2019 [to] 2020 para malaman natin kung meron ba silang sapat na kakayahan na bilhin itong mga sasakyan na naghahalaga ng—sa bilang ko mahigit P60 million,” pahayag ni Drilon sa panayam sa Teleradyo.

“Kung wala naman silang kinita sa Pharmally noong 2019, paano naman biglang nagkaroon ng mahigit sa 60 million halaga ng mga sasakyan?” dagdag nito.

Ayon kay Drilon, wala namang kinita ang Pharmally noong 2018 subalit matapos makuha ang P8.6 bilyon kontrata sa gobyerno para sa medical supply noong 2020, biglang pumalo sa P400 milyon ang kita ng kumpanya.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Biyernes, nabunyag na nakabili ang tatlong opisyal ng Pharmally ng apat na mamahaling mga kotse, wala pang isang taon mula nang makuha ang kontrata sa gobyerno noong 2020.

Samantala, nanawagan din si Drilon sa Commission on Audit na magsagawa ng “fraud audit” ng mga pinasok na kasunduan ng gobyerno sa Pharmally.

“Hinihingi ko sa COA na magkaroon po ng sinasabi nating fraud audit, dahil may nakikita tayong pandaraya na ginawa ng [DBM-PS] (Department of Budget and Management-Procurement Service) at kasi ang ginawa ng COA noong nakaraan ay regular annual [audit]. Di naman talaga sinuri nang husto,” sabi ni Drilon.

Dapat rin umanong magpatuloy ang Office of the Ombudsman sa kanilang imbestigasyon kahit na patuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa nasabing isyu.

Subalit dapat aniyang mag-inhibit si Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, dating former DBM-PS director, sa pagsisiyasat ng Ombudsman sa nakuhang kontrata ng Pharmally sa pamahalaan. (Dindo Matining)

The post Income tax record ng 3 Pharmally exec ilantad – Drilon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/income-tax-record-ng-3-pharmally-exec-ilantad-drilon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=income-tax-record-ng-3-pharmally-exec-ilantad-drilon)