Dahil sa galing at abilidad ng ng mga Pilipinong manggagawa, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapaunlad, importasyon at pagnenegosyong may kinalaman sa restoration ng mga antigong sasakyan sa bansa.

Sa kanyang paglatag ng Senate Bill No. 2396 o ang panukalang “Vintage Vehicle Regulation Act,” malaki ang tiwala ni Gatchalian sa potensyal na makapagbunsod ito sa pagbubukas ng bagong negosyo sa mga maliliit na negosyante at magkaroon ng mga parokyano hindi lang dito ngunit maging sa mga dayuhang mahilig magmay-ari ng mga antigong sasakyan.

“Habang patuloy na nakikipaglaban ang buong mundo sa pandemya at pilit nating pinagtatagumpayan ang unti-unting paglago ng ekonomiya, magandang pagkakataon ito na itaguyod ang ganitong klase ng industriya upang makapagbigay ng trabaho sa mga bihasa nating mga mekaniko, trabahador, shop owners, at iba pang manggagawa sa negosyong ito. Magandang pagkakataon rin ito na makapag-ambag sila sa motoring history ng bansa,” paliwanag ni Gatchalian.

“Ito’y isang very specialized industry na hindi alam ng marami, pero ang bansa natin kilala sa magaling na craftsmen o magaling sa paggawa ng sasakyan, ng mga vintage cars. Metikuloso tayo at marunong tayo sa mga ganitong crafting. Maliit na industriya ito pero with the proposed law, matutulungan nating maitaguyod ang vintage car restoration,” dagdag pa nito.

Sabi ni Gatchalian, marami sa mga itinuturing na car enthusiasts sa bansa ang pumasok sa negosyo ng car restoration at makapagpapatunay na maaari itong pagkakitaan. May ilan sa kanila ay nakatanggap na rin ng pagkilala at parangal mula sa mga prestihiyosong auto competition.

Naniniwala ang senador hindi lang sa kakayahan ng mga small and medium enterprises kung hindi pati na rin sa kalidad ng mga manggagawa sa automotive restoration business sa bansa. Aniya, kaya nilang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.

Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng aspeto na may kinalaman sa pagpapalakad ng importasyon at eksportasyon, pagpaparehistro at paggamit ng mga vintage o lumang mga sasakyan, pick-up trucks, vans, sports utility vehicles, Asian utility vehicles, at motorsiklo na tatlong dekada na mula nung ito’y ginawa. (Dindo Matining)

The post Itaguyod ang restoration ng antigong sasakyan – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/itaguyod-ang-restoration-ng-antigong-sasakyan-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=itaguyod-ang-restoration-ng-antigong-sasakyan-gatchalian)