Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa posisyon na huwag ipagamit ang Ivermectin sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 hangga’t walang ebidensiya mula sa mga eksperto na magpapatunay na maaari itong gamiting panlaban sa COVID-19.

Tugon ito ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos magpasaklolo sa Korte Suprema ang dalawang kongresista para payagan silang gamitin ang Ivermectin sa kanilang constituent.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Vergeire na ipapaubaya na nila sa Korte Suprema ang pagpapasya sa apela nina Congressmen Mike Defensor at Rodante Marcoleta.

Maninindigan aniya ang DOH na ang pagtiyak sa kaligtasan ng mamamayan ang kanilang pangunahing mandato at gagawin nila ito hangga’t walang matibay na ebidensiya sa bisa ng paggamit ng Ivermectin.

“DOH will retain and will be strong in the position na hindi po namin puwedeng irekomenda dahil wala pa tayong ebidensiya. Tandaan ng ating mga kababayan, ang DOH may mandato po kami to ensure safety of the public especially for this drug that they take,” ani Vergeire.

Bagama’t mayroon aniyang mga ginagawang pag-aaral tungkol sa Ivermectin sinabi ng opisyal na wala pang matibay na ebidensiya at opisyal na pahayag ang mga eksperto sa iba’t ibang dako ng mundo na nakakagaling o mabisang lunas ang Ivermectin sa COVID-19.

“Kaya ngayon po nakikita natin hindi pa ito appropriate time because we still do not have evidence. Pag nagkaroon po tayo ng ebidensiya na sinasabing puwede nang gamitin, that’s the time that we will be recommending,” dagdag ni Vergeire.

The post Kahit umabot na sa SC: DOH maninindigan vs Ivermectin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kahit-umabot-na-sa-sc-doh-maninindigan-vs-ivermectin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kahit-umabot-na-sa-sc-doh-maninindigan-vs-ivermectin)