May go signal na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pilot face-to-face classes sa mga piling paaralan sa bansa.
Ito ang inanunsyo nina Presidential Spokesman Harry Roque at Department of Education Secretary Leonor Briones sa press briefing sa Malacañang.
Sinabi ng dalawang opisyal na pumayag na si Pangulong Duterte para sa limitadong pilot testing sa 100 paaralan lamang.
“Ito po ay half a day, every other week at gagawin sa mga lugar na minimal risk na idedetermina ng Department of Health, sang-ayon sa safety assessment ng DepEd at kinakailangang may suporta ng local government units sa pamamagitan ng resolusyon o letter of support at kinakailangang mayroong written support at consent ng mga magulang,” ani Roque.
Sinabi naman ni Secretary Briones na nagpadala ang Pangulo ng written combined guidelines mula sa DepEd, Department of Health, Inter-agency Task Force at mula sa mga expert ng Child Education.
“Mainit na mainit na balita, just straight from the Office of the President, inapproved na ni President ang pag-initiate ng pilot classes para sa face to face,” ani Briones.
Sinabi ng kalihim na pangunahing ikinukonsidera sa pilot test ng face to face classes ay ang kaligtasan ng mga estudyante.
Inihahanda na aniya ang DepEd ang mga eskwelahang gagamitin sa pilot testing para masiguro ang social distancing, sapat na tubig, gamot, at iba pa.
Tiniyak ni Briones na magiging mahigpit ang ipapatupad na health standards sa pilot face-to-face at uumpisahan ito sa 100 pampublikong paaralan para maobserbahan kung epektibo ito.
Labing dalawang estudyante lamang ang papayagan sa kindergarten, sa grade 1-3 ay labing anim na estudyante para magkaroon ng sapat na social distancing, habang maaaring payagan ang hanggang 20 sa technical vocational na estudyante.
Tatlong oras lamang ang maximum sa klase ng mga kindergarten hanggang grade three.
The post Limitadong face-to-face classes lalarga na first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/limitadong-face-to-face-classes-lalarga-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=limitadong-face-to-face-classes-lalarga-na)
0 Mga Komento