Magtataas ng P21 ang bill ng kuryente sa mga residential customers ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan dahil sa pagmahal ng generation charge.

Ayon sa Meralco, ang P21 pagtaas ay para sa mga typical residential customers na ang konsumo ay nasa 200 kilowatt hour sa isang buwan dahil tataas ng 10.55 sentimos per kWh ang singilin sa kuryente.

Mula sa P9.0036 per kWh, magiging P9.1091 per kWh na ito.

Mas magiging mas mahal ang pagtaas kung wala ang distribution rate true up refund na P27.61 per kWh.

Ang refund ay para mabalik sa customers ang P13.9 bilyong sobrang nasingil sa mga customers mula July 2015 hanggang November 2020 na unti-unting isasauli sa customers sa loob ng 24 na buwan.

Ayon sa Meralco, nagmahal ang generation charge ng 11.17 sentimos per kWh na P5.0439 per kWh ngayon mula sa P4.9322 per kWh noong Agosto. Mahigit kalahati ng singilin sa kuryente ay dahil sa generation charge.

Dagdag pa ng Meralco, nagmahal ng 24.94 sentimos per kWh ang generation charge mula sa mga power supply agreements at nagmahal naman ng 9.55 sentimos per kWh ang singilin ng mga independent power producers dahil kumonti ang kuryenteng nasusuplay ng mga planta dahilsa forced outage ng Quezon Power at scheduled outage ng San Lorenzo Module 50.

Nagmahal din ang singil ng Sta Rita at San Lorenzo dahil nagmahal ang kanilang mga naging paggatong dahil kumonti ang suplay ng panggatong galing Malampaya.

Sabi ng Meralco, bumaba ang pangangailangan ng kuryente sa Luzon grid nitong Agosto kaya bumaba ang presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market.

The post Meralco taas singil aarangkada first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/meralco-taas-singil-aarangkada1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=meralco-taas-singil-aarangkada1)