Nagmistulang zombie o multo na ang mga bata, mala-bampira na ang mga nanay at guro dahil sa lampas nang isang taon na distance learning, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Ito ang nakakatakot na epekto ng pandemya – ang paunti-unting pagpatay sa kaalaman at mental, emotional at social na kakayahan ng mga batang estudyante pati na rin sa pagpapaubaya at simpatya ng pagod nang mga nanay at mga guro na tinatapos ang kanilang mga gawaing bahay at opisina kahit gabing-gabi na,” hinaing ni Marcos.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag bilang pagpabor sa itinutulak ng Department of Education, Commission on Higher Education, at National Economic Development Authority sa pag-arangkada ng face-to-face classes sa madaling panahon sa mga lugar na mabagal naman ang paglaganap ng Covid-19.

” Nalalagay sa peligro ang mga estudyante na maging bahagi ng henerasyon na mawawalan na ng interes sa pag-aaral, ambisyon at pagiging positibo at hindi na rin magiging produktibo,” sabi ni Marcos.

“Kailangan rin ng ating mga nanay at mga guro na manumbalik ang kanilang balanseng buhay at pagtatrabaho,” dagdag nito.

Una nang iginiit ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na ang mga eskwelahan ang dapat pinakahuling magsasara at unang dapat na magbukas, babala sa epekto sa buhay ng buong henerasyon ng mga kabataan, lalo na sa mga mahihirap.”

Samantala, tinaya ng World Bank ang pagsasara ng mga eskwelahan na tumagal ng limang buwan ay magreresulta sa pagkawala ng 0.6 na taon ng pag-aaral, habang sa kalkulasyon ng NEDA, ang isang taong kawalan ng face-to-face classes ay maaaring magresulta sa Php11-trillion na pagkalugi sa productivity o kontribusyon sa ekonomiya sa susunod na 40 taon.

“Walang bagay na hindi kakayaning ipatutupad dito sa ating bansa,” ani Marcos na tumutukoy sa mga pagbabago sa pagtupad ng face-to-face learning na ginagawa na sa buong mundo.

“Ang istriktong pagsunod sa mga patakaran ng ‘new normal’ ay isang malaking hamon pero kaya naman,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

The post Mga bata at nanay, ‘zombie’ na sa pinahabang distance learning – Imee first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-bata-at-nanay-zombie-na-sa-pinahabang-distance-learning-imee/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-bata-at-nanay-zombie-na-sa-pinahabang-distance-learning-imee)