Naghain ng panukala ang mga lider ng Kamara de Representantes upang palawigin ng isang buwan ang voter registration para sa 2022 national and local elections.

Binigyan-diin nina Speaker Lord Allan Jay Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano na palawigin hanggang Oktobre 31 ang deadline na nakatakda na sa Setyembre 30 upang matiyak na mas maraming Pilipino ang makaboboto sa Mayo 9, 2022.

“At a time of uncertainty, each and every office of the government is tasked to be flexible and alert,” sabi sa explanatory note ng House Bill 10261.

Iginiit ng mga solon na ang eleksyon ang siyang sandigan ng demokrasya kaya dapat matiyak na maririnig ang boses ng mga mamamayan kung sino ang nais nilang mamuno sa bansa.

“As a basic precept of democracy, each of our kababayans must be given the utmost and widest opportunity to participate in the electoral process,” sabi pa sa panukala.

Ang panukala ay ipinadala sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na siyang magsasagawa ng pagdinig. (Billy Begas)

The post Mga lider ng Kamara humirit ng 1 buwang extension ng voter registration first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-lider-ng-kamara-humirit-ng-1-buwang-extension-ng-voter-registration/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-lider-ng-kamara-humirit-ng-1-buwang-extension-ng-voter-registration)